JOSE GERVIC LABE, JR.
|
Gervic's Poetic Explorations #1045476 added February 24, 2023 at 10:59pm Restrictions: None
Sa Paglubog ng Araw [Tagalog]
Sa baybayin, ako'y nakasungaw
Yaong mga ibon at ang mga paraw.
Sadyang kay ganda, na nag-uunahan
Habang sumisisid sa mabatong daungan.
Abot-malas kong ika'y naglalakad,
Panaho'y di sinayang, pinuntahan ka kaagad.
Ako'y nasasabik na ika'y makayakap
Sa paglubog ng araw, ikaw ang masulyap.
Masdan mo ang dagat, sa malayong unahan,
Sinalami'y langit na tila pinintahan
Ng masiglang kulay, gaya nitong pag-ibig
Na lalong umiinit sa bawat pagpintig.
Tayo nga'y nakahiga sa mapinong buhangin,
Haplos ng mga alon ay kay sarap mandin.
Sa ibabaw ng mundo'y tayo ang magkapiling
Kahit sa panaginip ay kay sarap gunitain.
Mga mata ko'y tingnan mo ng mariin,
At nang mabasa mo ang nais nitong sabihin.
Tenga mo'y ilapat nitong aking dibdib,
Upang iyang sinisigaw ay iyong marinig.
At sakaling dumating ang gabing mapanukso,
Mga mata mo'y ipikit ng husto
Sa iyong isipan, ako'y gunitain,
At sa buong magdamag, magkasama'y tayo parin.
English Translation:
|
© Copyright 2023 GERVIC (UN: gervic at Writing.Com). All rights reserved. GERVIC has granted InkSpot.Com, its affiliates and its syndicates non-exclusive rights to display this work.
|